
How should tobacco companies pay for their pollution in Philippines?
August 27, 2023
Child protection groups urge government: Enforce laws banning sales of vapes and other tobacco products to minors
September 6, 2023Nangangamba ang grupong Arugaan na isang banta sa kalusugan ng mga ina, sanggol, at mga bata ang mga nakabinbing panukala na Corporate Social Responsibility o CSR Act sa Kongreso, lalo’t ipinigadiriwang ang National Breastfeeding Awareness Month ngayong Agosto.
Ang grupong Arugaan ay pinangungunahan ng mga ina na ipinaglalaban ang breastfeeding o pagpapasuso ng mga kababaihan para sa kanilang mga sanggol. Kaya naman kinundena nila ang House Bill No. 451 o ang Corporate Social Responsibility Act, gayundin ang bersyon ng Senado na Senate Bill No. 2355.
Anila, pinapayagan ng mga panukalang ito ang mga pribadong kumpanya gaya ng commercial milk formula na magsagawa ng mapanlinlang na charity programs na maituturing na marketing at promotional activities sa mga komunidad kung saan magmimistulang marketing agent ang mga LGU.
Babanggain pa ng CSR bill ang ating Milk Code dahil tinatanggal nito ang pagbabawal sa formula milk bilang donasyon sa mga LGU.
Giit pa ng grupo, minamanipula nito ang mga magulang na maniwala sa kasinungalingang higit na masustansya at isang brain booster ang formula milk kaysa sa breastmilk o gatas ng ina. Ang mga formula milk na binibigay bilang donasyon sa mga LGU ay magtutulak sa mga magulang na umasa at bumili pa nito.
“Gagawing lehitimo ng CSR bill ang panghihimasok ng mga korporasyon sa mga komunidad at obligado ang lokal na pamahalaan na tulungan ang kanilang mga aktibidad sa ngalan ng sustainable development. Pero paano natin masasabing sustainable development ito kung sinasamantala lang nito ang likas na yaman ng kalikasan at buhay ng tao kapalit ng kapirasong donasyon,” paliwanag ni Ma. Ines Av. Fernandez, co-founder ng Arugaan.
Ang bersyon ng Kamara ng CSR bill ay inaprubahan na ng plenaryo nitong nakaraang Mayo, habang nakabinbin pa sa komite ang bersyon ng Senado.
Samantala, sinaludo ng Arugaan ang mga pamilyang nagsisikap magpasuso bilang mahalagang depensa ng parehong ina at sanggol kontra noncommunicable diseases o NCDs, bukod sa iba pang mga sakit at impeksyon.
Batay sa datos mula sa NCD Alliance, ang pagpapasuso sa unang bahagi ng buhay ng sanggol ay magpapababa sa tiyansa ng NCD gaya ng obesity at type 2 diabetes sa kanilang pagtanda.
Para naman sa ina, ang pagpapasuso ay nagbabawas sa panganib ng sakit sa puso at breast o ovarian cancer. Sa kada taon na magpasuso ang isang babae, bumababa nang 6% ang tiyansa nitong magkaroon ng breast cancer.
“Nais nating protektahan, isulong, at suportahan ng mga pamilya ang pagpapasuso nang sa gayon makamit ng isang ina at kanyang anak ang pangmatagalang benepisyo laban sa NCDs. Higit sa lahat, ang gatas ng ina pa rin ang pinakamainam at walang kapantay sa pagbibigay nutrisyon at panangga sa sakit para sa mga sanggol lalo na sa unang anim na buwan hanggang dalawalang taon pataas,” sabi ni Dr. Jaime Galvez Tan, dating kalihim ng Department of Health.
Ayon sa 2022 Philippine National Demographic and Health Survey (NDHS), nasa 41% lamang ng mga batang edad 0 hanggang 5 buwan ang exclusively breastfed o tanging pinapasuso.
Sa kabilang banda, ang taunang benta ng inangkat na formula milk sa Pilipinas ay tinatayang nasa US$830 million o P41.95 billion mula sa bulsa ng mga pamilyang Pilipino, batay sa pag-aaral na “Breastfeeding, First-Food Systems and Corporate Power” ni Phil Baker et al, nitong 2021.
Dagdag pa rito, nakasaad sa Green Feeding Tool na inilunsad ni Australian National University economist Professor Julie Smith noong 2022, sa kada kilo ng paggawa ng processed milk, nagiiwan ito ng carbon foot print dulot ng 2.4 – 8.0 kilo ng greenhouse gas emissions, at ng water foot print mula sa 5,000 litro ng nasasayang na tubig.
Kaya giit ng Arugaan, ang pagpapasuso ay zero waste. Ang pagpapasuso ay nakakapigil ng climate change. Ang breastmilk ay isang renewable resource na likas sa mga ina para siguruhin ang kalusugan ng susunod na henerasyon at ang food security ng bansa. Ang CSR bill ay magsisilbing hadlang sa mga ina na makalikha ng superfood at natural na gamot para sa mga bata.
-END-
Contact person :
Mariz Wee
Media Consultant
0998-885-1080

